LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Muling nagsagawa ng pagpupulong ang Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga (ABB BP) upang pag-usapan ang pilot project ng North Manila Bay Flood Protection Strategy nu’ng Friday (March 31).
Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng mga opisyales at miyembro ng mga iba’t ibang organisasyon tulad ng Royal Haskoning DHV (RHDHV), Local Government Unit (LGU) ng Malolos at Hagonoy, at San Miguel Corporation (SMC.
Nilalaman ng proyekto ang pagsasagawa ng Nature Based Solution na ipinaliwanag ni Mariane Pajarillo ng RHDHV bilang mga solusyon na naaangkop sa kalikasan.
Hangarin ng proyekto ang maisagawa ang Nature Based Solution laban sa pagbaha sa lungsod ng Malolos at bayan ng Hagonoy. Ilan sa nabanggit na halimbawa ng Nature Based Solution ay wide green dike, tidal flat, pagtatanim ng mangroves, sediment transfer, at double dike system.
Mayroong tatlong posibleng lokasyon sa parehong bayan ng Malolos at Hagonoy kung saan maaaring isagawa ang proyekto.
Sa bayan ng Malolos, ang mga nakalista na posibleng lokasyon ay ang barangay Santo Rosario, Atlag, at Pamarawan. Habang sa bayan ng Hagonoy naman, ang barangay San Juan, San Agustin, at Pugad. Ngunit, mamimili lamang ng tig-isang lokasyon sa Malolos at Hagonoy para sa pilot project.
Magkakaroon din ng on-site visit o pagbisita sa mga barangay na nailahad ang RHDHV upang matukoy kung anong Nature Based Solution ang dapat at nababagay na isagawa ayon sa lokasyon.
Nagbahagi ang mga kasapi ng bawat barangay na nabanggit tungkol sa mga panganib o problema na patuloy na nararanasan sa kanilang lokasyon. Ayon kay Jose Francisco Aniag ng LGU-Malolos, madalas na nararanasan ng barangay San Juan, Santo Rosario, at Atlag sa Malolos ang tidal flooding, sabi nga niya na hightide pa lamang, umaabot na ang baha sa inland areas.
Samantala, sa Brgy. Pamarawan naman, naibahagi ni Cesar Bartolome, kapitan nanaturang barangay, na maliban sa tidal flooding, nagiging problema rin sa barangay ang habagat. Pinaliwanag niya na nagiging hadlang sa ekonomiya ng lugar ang habagat sapagkat dahil dito, nasisira ang mga palaisdaan ng barangay pati na rin ang kapaligiran, na nagreresulta ng pagkawala ng kabuhayan ng mga residente.
Ipinahayag naman ni Mayor Christian Natividad na nais niyang maisagawa ang proyekto sa lalong madaling panahon.
“Handang harapin ang mga maaaring negatibong dulot ng proyekto hindi lamang sa Malolos ang commitment o dedikasyon ng proyekto, sapagkat kapag nakumpleto ang proyekto at nakamit ang hinahangad na bunga, handang ibahagi ng lungsod ng Malolos sa adjacent coastal municipalities ang mga hakbang na isasagawang proyekto,” ani Natividad.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga dumalo sa pagpupulong, sinabi niya sa Tagapangulo ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga (ABB BP), Angel Boy Cruz, na siya at ang buong Malolos ay kasama niya hanggang sa pagtatapos ng proyekto. Muli, maliwanag na ipinahayag ng Punong lungsod ng Malolos kung gaano niyang ninanais na maisagawa na ang North Manila Bay Flood Protection Strategy. (UnliNews Online)