Wednesday, September 18, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsIka-235 Taong Anibersaryo ng kapanganakan ni Balagtas, ginunita

Ika-235 Taong Anibersaryo ng kapanganakan ni Balagtas, ginunita

BALAGTAS, Bulacan — Muling isinagawa sa nabanggit na bayan ang pagbubukas ng kanilang ikalimang “Balagtasan Festival” at paggunita sa ika-235 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Gat Francisco dela Cruz Balagtas na ipinagdiwang sa bagong Plaza Bigaa sa harap ng bagong gusali ng Pamahalaang Bayan ng Balagtas nu’ng Biyernes (March 31).

Nagsilbing panauhing pandangal ang pinuno ng Panlalawigang Tanggapan ng Kasaysayan, Sining, Kultura, at Turismo Dr. Eliseo S. dela Cruz na nanguna sa paghahawi ng tabing sa bagong monumento ni Francisco Balagtas kasama sina Punong Bayan Eladio E. Gonzales, Jr, Pangalawang Punong Bayan Ariel C. Valderama, mga kasapi ng Sangguniang Bayan, at mga pinuno ng tanggapan ng pamahalaang bayan.

Nagkaroon rin ng payak na parada mula sa lumang gusali ng munisipyo hanggang sa Plaza Bigaa na dinaluhan ng mga kawani ng munisipyo, mga punong barangay, mga guro at punong guro ng DepED Balagtas District, mga mag-aaral na kasapi ng drum and lyre band ng Francisco Balagtas Memorial School, Balagtasenya – isang samahang pangkakabaihan ng Balagtas, Bureau of Fire Protection-Balagtas, Bureau of Jail Management and Penology-Balagtas, Philippine National Police-Balagtas, at mga nasa sektor ng senior citizen, mga kabataan, solo parents, persons with disabilities, at child development workers.

Si Francisco Balagtas na kilala ring Francisco Baltazar ay ipinanganak noong 2 Abril 1788 sa isang maralitang dampa sa Barrio Panginay, Pueblo de Bigaa, na noo’y tinawag ring Caluya o Caruya. Ang Balagtas ang kanyang apelyido na nakatala sa kanyang baptismal certificate samantalang ang Baltazar ay kanyang ginamit batay sa pagpapatupad ng batas na surname standardization na ipinatupad ni Gobernador Heneral Narcisco Claveria noong 1849.

Sa gulang na 11, nakapag-aral siya sa Colegio de San Jose at nang lumao’y lumipat sa San Juan de Letran. Naging guro niya sina Padre Mariano Pilapil, na sa ring bayaning Bulakenyo na tubong bayan ng Bulakan na nag-udyok sa kanya na maging makata, at si Jose de la Cruz, na nabansagang Huseng Sisiw dahil sa pagtanggap ng sisiw bilang kabayaran sa mga ipinaaayos o ipinagagawang tula dito.

Ang kanyang obra maestra na “Florante at Laura” na tumutukoy hindi lang sa pinagdaanang buhay ni Florante at ni Laura sa kahariang Albanya kundi sa suliranin ng mga Pilipino sa pananakop ng mga Kastila at panghihimagsik ng bayan laban sa Espanya. Naging inspirasyon at dinakila ang akdang ito ni Balagtas nina Mariano Ponce, Marcelo H. del Pilar, Apolinario Mabini, Jose Rizal at marami pang pantas at bayani na nagpatuloy sa pagkilos upang lumaya ang bansa sa mga mananakop na dayuhan.

Naglagay ang National Historical Commission of the Philippines ng mga historical marker sa lugar ng kapanganakan ni Balagtas sa barangay Panginay noong 1949 at sa kanyang naging tahanan sa Orion, Bataan noong 2015. Pinangalanan din ng Cultural Center of the Philippines ang Folk Arts Theater bilang Tanghalang Balagtas.

Noong 28 Setyembre 1965, ang bayan ng Bigaa ay isinulong na mabigyan ng bagong pangalan mula sa isang Bill na inakda at sponsored ni noo’y kinatawan ng Bulacan Teodulo Natividad, na hindi nagtagal ay inaprubahan noong 18 Hunyo 1966 bilang Batas Republika Blg. 4702 na nagpapalit sa pangalan ng Bigaa bilang bayan ng Balagtas. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments