Friday, September 20, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsTRB, pinapapasimulan na ang Third Candaba Viaduct Project sa konsesyonaryo

TRB, pinapapasimulan na ang Third Candaba Viaduct Project sa konsesyonaryo

PULILAN, Bulacan — Pinapapasimulan na ng Toll Regulatory Board o TRB ang konstruksyon ng Third Candaba Viaduct sa North Luzon Expressway o NLEX matapos itong maglabas ng Conditional Notice to Proceed.

Kaya’t bilang panimula, nagsasagawa na ng mga soil testing sa bahagi na pagbabaunan ng mga pundasyon at poste ng itatayong ikatlong viaduct gayundin ang mga pre-construction work gaya ng embankment o pagtatambak ng lupa upang pansamantalang madaanan ng mga sasakyang pang-konstruksyon at mga materyales na gagamitin.

Ayon kay TRB Director Alvin Carullo, may inisyal na halagang anim na bilyong piso ang proyekto na  magsilbing saligan ng dalawang 47 taong gulang na viaduct upang patuloy na matiyak ang katatagan ng istraktura.

Taong 1974 nang simulang ipagawa ang nasabing mga lumang northbound at southbound viaduct na may habang tig-limang kilometro. Binuksan ito sa trapiko noong 1976.

Sa paglalabas ng Conditional Notice to Proceed ng TRB sa NLEX Corporation na konsesyonaryo para sa proyekto, masisimulan na ang aktuwal na konstruksyon habang nirerepaso ang mga ilang modipikasyon sa disenyo.

Ilang beses nang nasubukan ang katatagan ng mga lumang viaduct gaya ng pagtama ng Luzon Earthquake noong Hulyo 1990 at malawakang pagbabaha na dulot ng bagyong Pedring noong Setyembre 2011.

Nagsisilbing pangunahing ruta ang Candaba Viaduct ng mga motorista at kargamento na ibinibiyahe patungo sa Metro Manila, at pauwi sa mga lalawigan sa Gitna at Hilagang Luzon.

Bahagi ito ng tollway system ng NLEX na tumatawid sa Candaba swamp na nasa pagitan ng Bulacan at Pampanga.

Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, target makumpleto ang proyekto sa loob ng limang taon o sa taong 2028.

Bilang bahagi ng paghahanda sa konstruksyon, nasa kasagsagan  ang ginagawang rehabilitasyon sa dalawang matatandang Candaba Viaduct.

Kabilang sa mga pinalitan ang dugtungan ng mga span o pagitan ng girder ng Candaba Viaduct at ilang slab o sahig ng mismong kalsada nito.

Aabot sa inisyal na 500 milyong piso ang halaga na inilaan sa nasabing rehabilitasyon.

Sa ngayon, ipinagbabawal munang padaanan sa mga mabibigat na truck ang nasabing viaduct.

Pansamantala itong pinadadaan sa San Simon Exit patungo sa Manila North Road sa kanluran o sa Daang Maharlika sa silangan. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments