Wednesday, September 18, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsPBBM, nagpasalamat sa mga LGU sa pagsuporta sa ‘Kadiwa ng Pangulo’

PBBM, nagpasalamat sa mga LGU sa pagsuporta sa ‘Kadiwa ng Pangulo’

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Ipinagpapasalamat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsuporta ng lahat partikular ng mga lokal na pamahalaan sa programang Kadiwa ng Pangulo o KNP.

Sa kanyang mensahe sa paglulunsad ng KNP sa barangay Dulong Bayan sa lungsod ng San Jose del Monte, sinabi ng Pangulo na hindi kayang mag-isa ng Department of Agriculture at pamahalaang nasyonal na maitaguyod ang programa kung wala ang tulong at magandang ugnayan sa mga  lokal na pamahalaan.

Hangad ng pamahalaang nasyonal na maparami ang KNP upang mailapit at magkaroon ng murang bilihin sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa pamamagitan ng programa ay diretsong nailalako at nagkakaroon ng merkado ang mga ani at gawang produkto ng mga magsasaka at mga maliliit na negosyante o micro, small and medium enterprises.

Ito ang isa sa mga ginagawang hakbang ng administrasyong Marcos bilang agapay sa mga mamamayan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation na resulta ng mga pangyayari sa labas ng Pilipinas.

Giit ng Pangulo na kapag matibay ang mga maliliit na negosyo, hindi na kailangan mag-import dahil ang tao ay bibili na sa lokal.

Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Arthur Robes sa pagkakaroon ng unang outlet ng KNP sa siyudad.

Aniya, malaking kasiyahan para sa mga mamamayan ang magkaroon ng KNP na kung saan makabibili ng murang bilihing akma sa nararanasang inflation ng bansa.

Mensahe ni Robes, patuloy na susuporta at tutulong ang pamahalaang lokal sa lahat ng mga gawain at programa ng pamahalaang nasyonal na layuning makatugon sa pagpapaganda ng buhay ng mga mahihirap na kababayan hindi lamang sa lungsod kundi sa buong bansa.  

Source: PIA Bulacan 

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments