KINUKUMPIRMA ng inyong abang lingkod, kabilang ang ilan ko pang kasamahan sa pamamahayag na kami ay hindi na opisyal na mga miyembro ng Bulacan Press Club, bagkus kami ay kabilang na sa napapanahon at modernong paghahatid ng mga balita, ang bagong buong grupo na Digital Writers’ Guild.
Huwag gamitin ang aming mga pangalan sa anumang panghihingi ng tulong o pangangalap ng pondo — Hindi namin ito pinahihintulutan!
VIC BILLONES III
Digital Writers’ Guild
Social Media: ang Bagong Panahon ng Pagbabalita
NALAMPASAN na ng social media ang tradisyonal na pahayagan sa Pilipinas, at lubos na binago nito ang paraan ng pagpapalaganap ng balita. Hindi maikakaila ang malaking pagkakaiba sa abot at bilis ng paghatid ng impormasyon.
Bagama’t ang mga malalaking pahayagan at tabloid ang dating pangunahing pinagkukunan ng pambansang balita, nahaharap sila sa mga likas na limitasyon: limitadong espasyo sa pahina, nakatakdang oras ng paglilimbag, hadlang sa pamamahagi, at ang pagkontrol ng mga patnugutan sa kung anong balita ang makakarating sa publiko.
Hindi sila maaaring naroroon sa lahat ng dako, at hindi rin nila maipapahayag ang bawat tinig sa bawat sulok ng bansa, lalo pa sa labas nito.
Winakasan ng social media at ng internet ang mga hadlang na ito.
Hindi tulad ng mga pahayagan na nakatali sa heograpiya at limitadong pamamahagi, ang social media ay nagbibigay ng mabilis, walang hangganan, at para sa lahat na pagbabalita.
Ang isang kuwento mula sa maliit na bayan ay maaaring makarating sa milyun-milyong tao sa buong mundo sa loob lamang ng ilang sandali — mas bago pa man mailathala ang pahayagan.
Sinumang may telepono ay maaaring mag-ulat, magbahagi, at magpahayag nang walang pagsasala ng patnugutan o pagkaantala. Nakukuha nito ang bawat detalye at pananaw habang nagaganap ang mga pangyayari, at sabay na nakararating sa mga mambabasa dito at sa ibang bansa.
Lumampas na tayo sa panahon na tanging mga propesyonal na mamamahayag lamang ang nagtatakda kung ano ang balita.
Ngunit bagama’t walang katulad ang abot, bilis, at lawak ng social media, kailangan pa rin tayong maging mapagmatyag: maniwala ka, ngunit alamin muna kung totoo.
Tsk! Tsk! Tsk! Dahil nauuna na ang social media sa pagpapalitan ng impormasyon sa buong mundo, responsibilidad nating lahat na tiyaking mananaig ang katotohanan. (UnliNews Online)

