CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng mga operatiba ng Malolos City Police Station (CPS) ang isang 20-anyos na lalaki matapos mahulihan ng hinihinalang shabu at ilegal na baril sa isinagawang buy-bust operation bandang alas-12:10 ng madaling araw noong Wednesday (June 17) sa Brgy. Bangkal, City of Malolos, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Chief of Police ng Malolos CPS, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na kinilalang si alyas “Borj,” 20 taong gulang, empleyado, at residente ng Brgy. Bangkal, Malolos City, Bulacan.
Sa operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang 2 heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 1.10 gramo at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na nagkakahalaga ng P7,480.00. Narekober din ang isang P500.00 bill na ginamit bilang marked buy-bust money.
Bukod dito, nasamsam din mula sa pag-iingat at kontrol ng suspek ang isang kalibre .22 revolver at dalawang live ammunition. Agad na minarkahan at isinailalim sa inventory ang mga nakuhang ebidensya alinsunod sa umiiral na mga alituntunin.
Dinala ang naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Malolos CPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa suspek. (UnliNews Online)

