CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga — Sa kauna-unahang yugto ng “Kapihan sa Bagong Pilipinas” — isang lingguhang forum na nagtatampok sa mga ahensya ng pamahalaan at pinapangasiwaan ng Philippine Information Agency (PIA), inilatag ng ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3 Office ang mga prayoridad na proyektong imprastraktura sa ilalim ng Build-Better-More ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang inisyal na yugto ng lingguhang forum ay isinagawa sa DPWH Regional Office 3 sa lungsod ng San Fernando noong Martes (May 28) at pinangunahan nina DPWH Region 3 Director Roseller Tolentino, Assistant Director Melquiades Sto. Domingo at ang Planning and Design Division chief Arthur Santos qng isang panel discussion na pinangangasiwaan ni PIA Region 3 Director William Beltran.
Sa nabanggit na forum, itinampok ni Tolentino ang physical connectivity at agri-infra modernization accomplishments sa Central Luzon, binanggit ang epekto nito sa lokal at rehiyonal na ekonomiya, gayundin ang mga benepisyo ng mga proyekto sa mga stakeholder.
Partikular para sa lalawigan ng Bulacan, inilahad ni Tolentino ang una sa mga prayoridad ng ahensiya ay ang pagkukumpleto sa pagpapalapad ng Plaridel Bypass Road Project mula sa dating salubungan sa pagiging apat na linya na mula sa San Rafael hanggang Balagtas Exit ng North Luzon Expressway (NLEX).
Kasama rito, dagdag pa ni Tolentino ang nalalapit na pagbubukas ng Guiguinto Flyover at kasalukuyang konstruksiyon ng Bustos Southbound Flyover sa bypass na ito.
Iniulat din ni RD Tolentino na nakumpleto na ang right-of-way sa Donya Remedios Trinidad (DRT)- Norzagaray section ng DRT-San Jose Del Monte Bypass Road. Gayundin ang pagsisimula ng DRT-Dingalan Road kung saan pinasimulan na ang paglalatag ng kalsada sa bahagi ng DRT.
Ipinaliwanag naman ni District Engineer Henry Alcantara ng DPWH Bulacan 1st DEO ang sistema ng rehabilitasyon na kanilang isinagawa sa pagpapaganda at pagpapatibay ng Manila North Road (MNR) o Mac Arthur Highway sa bahagi ng Guiguinto at Bocaue na may pondong P200 milyon.
Ipinahayag pa ni Tolentino ang panukalang 4-lane bypass road, ang 27.05-kilometrong San Rafael-San Ildefonso-San Miguel Bypass Road sa Bulacan, ay magpapababa ng trapiko sa Daang Maharlika sa pamamagitan ng San Rafael, San Ildefonso at San Miguel; ikonekta ang San Miguel-Capan-Cabanatuan-Talavera Road at Phase 2 ng CLLEx; bawasan ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng San Rafael at San Miguel ng 30 minuto; at palakasin ang paglago ng ekonomiya sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapahusay ng accessibility at pagbabawas ng kasikipan.
“Itong mga bypass road projects ay isinasagawa na, at kapag natapos na, malaki ang maitutulong ng mga ito na mabawasan ang mga oras ng paglalakbay at maibsan ang decongestion sa ating mga kasalukuyang pambansang kalsada sa Bulacan at Pampanga, na tradisyonal na pangunahing sentro ng paglago ng Central Luzon,” ani Tolentino.
Samantala, sisimulan na rin ng DPWH ang pagpapalit ng mas mataas na tulay ng Tulaoc na tumatawid sa ibabaw ng NLEX sa San Simon, Pampanga. Habang tinaasan na ng NLEX Corporation ng 0.7 meters at panibagong 0.3 meters ang ang lebel ng kalsada sa ilalim. Ang nasabing bahaging ito ng expressway ay nalubog sa malalim na pagbaha matapos ng mga bagyo noong Hulyo at Agosto 2023.
Ang mga inhinyero ng distrito mula sa iba’t ibang lokal na tanggapan ng DPWH sa Bulacan, Bataan at Pampanga, kasama ang kani-kanilang mga planning at design section chiefs at construction section chief, ay naroroon din sa talakayan upang sagutin ang mga katanungang partikular sa kanilang mga tanggapan.
Isinagawa ang Kapihan sa Bagong Pilipinas sa pakikipagtulungan ng Presidential Communications Office sa pamamagitan ng PIA, at dinaluhan ng mga miyembro ng press mula sa Bulacan, Pampanga at Bataan. (UnliNews Online)