MARILAO, Bulacan — Aabot sa P108,000 halaga ng umano’y shabu ang nasakote ng pulisya sa tatlong drug suspect sa isinagawang drug bust operation sa bayan ng Marilao noong Linggo (Abril 2).
Sa ulat na isinumite kay Col. Relly B . Arnedo, Bulacan police director, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Pendaton Guilang alyas “Benjie”, 50 anyos, ng Barangay Tabing Ilog, Marilao, Bulacan; Hanif Marahum, 29; at Fahad Dipatuan, 28, kapwa mula sa Quiapo, Maynila, at naka-tag sa Philippine National Police-Philippine Drug Enforcement Agency Drug Watchlist.
Sinabi ni Arnedo na ang buy-bust operation laban sa mga suspek ay isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marilao police sa Barangay Lambakin dakong ala-1:10 ng madaling araw noong Linggo, Abril 2.
Nakuha mula sa kanila ang kabuuang P108,800 halaga ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 16 gramo, at ang buy-bust money.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.
Ang pinaigting na police operations na isinagawa ng Bulacan PNP, sa paggabay ni PNP Region 3 Director Brig. Gen. Jose S. Hidalgo Jr., ay isang testamento sa kanilang hindi natitinag na pangako na labanan ang kriminalidad at panatilihin ang kaligtasan ng publiko sa lalawigan. (UnliNews Online)